Biyernes, Hulyo 8, 2011

AKO, AT ANG DAIGDIG NG KOMIKS


Isang Kasaysayan kung papaano napasok sa komiks si Ravenson Biason
NiDeodato L. Aneceto  Hunyo 26, 2011, Intramuros, Manila, Hariwaya
( Hango at batay sa panayam sa manunulat noong ika- 12 ng Hunyo 2011, Intramuros Manila sa LYCEUM).

Noong una, ang batang si ravenson ay isa lamang taga-hanga ng komiks. Bumibili siya ng komiks mula sa naitatabi niyang baon. nariyang nag-iipon siya ng budget para lamang mabili ang inaabangang komiks na lumalabas linggo-linggo sa mga komiks at news stands. 

Kahit sa klase ay puro komiks ang laman ng kanyang isip. Minsan, nahuli siya ng kanyang guro na gumuguhit sa kanyang upuan habang nagtuturo. Sa halip na magalit ang guro ay humanga ito sa kanyang kakayahan sa pagguhit. sabi sa kanya ng kanyang sir: " balang araw, makikita rin ang mga obra mo sa komiks". nariyang nagpapadala siya ng kanyang mga obra o drawing sa pambatang komiks na madalas ay nailalathala. iyon ang kanyang naging barometro para pasukin ang sining ng komiks.

Ang isang simpleng taga-hanga lang noon ay nakatuntong sa bakuran ng GASI o Graphic Arts and Service noong Abril taong 1994 sa edad na 14  taon gulang. . At doon, nakita niyang aktuwal na gumuguhit ang kanyang mga taga-hanga. Noong una, pagguhit o maging illustrator ang kanyang puntirya. Subalit, nag-iba ang kanyang isip. magsususlt na lamang siya upang maiguhit ng kanyang mga hinahangaang dibuhista ang kanyang mga kuwento sa komiks. 

Ang Kuwentong Naiibang Uri ng Paghihiganti na kauna-unahang horror story ni Ravenson  na nailathala sa Mga Kuwento Sa Dilim Komiks.

Kapag walang pasok sa eskuwelahan, gumagawa ng script si Ravenson na isususmite niya sa bawat editors ng GASI. Gumagawa siya ng istoryang pambata at mga kapupulutan ng aral. nagsumite siya sa Mga Kuwento ni Lola Komiks, Engkantada, at Engkantasya. Subalit, ang mga naisumite niyang mga iskrips ay pawang na-reject. Noong una ay nagdaramdam siya at nagtatampo at inaakalang pinupulitika siya ng mga editors. Ngunit, napagtanto niyang sa kanyang bagong karerang pinili ay baguhan pa lamang siya at marami pang dapat na pag-aralan. Naisip niya na ang kanyang mga kuwentong isinulat ay nagawa na ng iba o gasgas na gasgas na. 


Kung kaya, nagse-seminar siya sa paggawa ng script at natuto sa tulong ng isa ring manunulat na nagturo sa kanyang gumawa nito na si Isagani Janda Jalamanan na kung saan ay malapit lamang ang bahay nito sa bahay nila. At dahil sa nakaapekto sa kanyang pagkahilig sa komiks at pag-iisip ng mga akda ay hindi na niya minsan natutukan ang pag-aaral. Pumupunta lagi siya sa publication tuwing araw ng Biyernes para makahalubilo ang mga manunulat at mga dibuhista. Ngunit, nang mapagtantong bumababa ang kanyang marka sa mga asignatura ay binalanse niya ang pag-aaral at pangarap. 


Taong 1997, buwan ng Hulyo, ang 17-anyos na si Ravenson ay muling nagsulat at nagsumite ng mga kuwento sa mga editors. At laking tuwa niya na na-aaprubahan na ang ilan sa mga ginawa niyang kuwento. Dahil sa napansin niyang karamihan sa mga ginagawa niyang kuwento na isinusumite sa Sonic Triangle Inc ay pumapasa, doon siya nagsulat at nagsumite ng marami. Lahat ng tipo ng istorya ay kanya nang ginagawa, mapa-love story, fantasy, horror, at sci fi.


Taong 1998, masasabing umalagwa ang kanyang career bilang baguhang manunulat at nagtamo pa ng karangalan na iginawad ng Circa bilang natatanging Kabataang Manunulat. kabi-kabila ang parangal niyang natatamo dahil sa kanyang pagmamahal at kahusayan sa pagsusulat.sa kabila na pinagkakaabalahan din niya noong kabataan niya ang pagbabanda o pagkahilig sa musika, mas malalim ang kanyang pagmamahal sa pagsusulat sa komiks. At dahil sa kanyang pagsusulat, may inaasahan siyang paparating na pera na pandagdag sa kanyang allowance.


Ang Kuwentong " Sa Muling Paglitaw ng Bahaghari" na nagtamo ng karangalang Best Love-story Fantasy ng Circa noong Agosto 1998 sa UP, Diliman ng mga Kabataang miyembro ng samahang Hariwaya na nagbibigay ng parangal sa mga Kabataang Manunulat.


Nagpatuloy ang pagsusulat ni Ravenson habang nag-aaral sa kolehiyo. At kahit nnanamalay na noon ang publikasyon ng komiks sa GASI noong taong 2000 ay nagsusulat pa rin siya. Tinatayang nasa 500 short stories ang kanyang naisulat at nalathala sa komiks. 


Nang huminto ang Sonic, GASI, at API sa paglalathala ng komiks, lumipat si Ravenson sa bakuran ng Atlas Publishing at doon nagpatuloy sa pagsusulat noong taong 2003. Naging cartoonist din siya sa pahayang Peoples Balita na kung saan ay nailalathala ang kanyang cartoon strips na PUREKIDZ

 Taong 2007, nang mawala sa sirkulasyon ang komiks at pansantalang bumalik sa pamamagitan ng Carlo J. Caparas komiks noong Setyembre 2007, naging contributor doon si Ravenson. At nang lumaon ay naging manunulat na siya at kolumnista sa mga pahayagan at gumagawa rin ng ilang nobelang prosa at  komiks sa 4 na pahayagan.





Isa sa nagawang comedy story ni Ravenson sa Happy Komiks. 




Ilan sa kanyang mga nagawang nobelang komiks ay ang TALIMBABAGA sa pahayagang TORO, Kiliti Ni Mayumi, Taos Sa Puso, at Ava Serpenta ( Pinoy Patrol).


Ilan sa kanyang naging mga kolum sa mga pahayagan ay  Ating Alamin ( REMATE), Bakit Masaya ang Maging Pilipino,  Picka- Boom, Secrets of the Icons, Weirdo Kung Mundo, ( TORO) at Health Info sa Diaryo Pinoy. Ilan sa kanyang mga hinangaang prosa ao nobelng naisulat ay ang White Devil's Vein, Champagne Supernova, Chiquitita, November Rain, at Mga Luha sa Lupang Pangako.