Biyernes, Marso 25, 2011

PAGHUHUKOM SA MGA BANSA

PAGHUHUKOM SA MGA BANSA!



Ang serye ng mga kaguluhan ngayon ng mga nasyon ay nasa yugtong tinatawag na Paghuhukom ng mga Bansa sa aklat ni propeta Ezekiel.



Laganap ngayon ang kaguluhan sa ilang bansa lalo na sa ilang bansa sa Kanlurang Asya, Middle East, at sa Hilagang Aprika. Nababalot ng matinding tensiyon at pangamba angmga taong naiipit sa naturang kaguluhan. Sunod-sunod na rin kasi ang ilang kilos protesta ng mga mamamayan sa ilang mga nasyon na kung saan ay ninanais nilang patalsikin ang kanilang mga pinuno.

Na para sa mga tao, mababago ang sistema at masamang kalagayan ng kanilang bansa kapag napatalsik na ang para sa kanila’y masasamang pinuno. Una na ngang sumiklab ang kilos-protesta sa bansang Egypt kung saan ay nagtagumpay ang mga mamamayan dito na mapababa sa puwesto si Hosni Mubarak.

Kasunod naman nito ang tangkang pagpapatalsik kay Libyan lider, Muammar Gaddafi. At ngayo’y nasa ganitong sitwasyon din ang lider ng bansang Tunisia na si Prime Minister Mohamed Ghannouchi. Nangangamba na rin ang ilang apektadong lahi sa mga kaguluhan sa mga naturang nasyon na sisiklab din ang pag-aaklas ng mamamayan sa ibang bansa lalong-lalo na sa mga Muslim Countries.

Bakit nga ba nangyayari sa panahon natin ngayon ang mga kaguluhang ito? Na kung bakit sunod-sunod ang mga pagtatangka ng mga tao na patalsikin ang kanilang mga pinuno? At ang negatibong epekto nito at nagdudulot lamang ng kahirapan at pagkalugmok ng ekonomiya na damay pati ibang nasyon na hindi naman laganap ang ganoong katinding tensiyon.

Ang sagot, nasa yugto na kasi tayo ngayon ng tinatawag na “Paghuhukom sa mga Bansa”. Ang yugtong ito ay parte lamang ng kaganapan sa nalalapit na katapusan ng daigdig. Ang naturang yugto na ito ng panahon ay sinabi na noon ng Panginoong Diyos kay Propeta Ezekiel. Ganito ang nakasaad:

“Sinabi sa akin ni Yahweh, Ezekiel, anak ng tao. Magpahayag ka. Sabihin mo sa kanilang ito ang ipinasasabi ko: Matinding kapighatian sa araw na iyon ang darating. Sapagkat, malapit na ang araw, ang araw ni Yahweh. Magdidilim ang ulap sa araw iyon. Araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa.”(Ezekiel 30:1- 3 Magandang Balita Biblia ).

Bagamat ang naturang talata ang saklaw sa pahayag ng Diyos kay propeta Ezekiel laban sa bansang Ehipto at Etiopia noong panahon ng naturang propeta, sumasaklaw din ang naturang talata sa makabagong panahon ngayon sa pangkalahatan.
At kapansin-pansin ang serye ngayon pagkakasunod-sunod ng kaguluhan sa mga bansa na umpisa sa Ehipto ay sinundan ng bansang Libya. Kasi, iyan po pala ay ipinaliwanag din sa aklat ng propetang si Ezekiel.

“Sa digmaang iyon ay mapapatay ang mga upahang kawal ng Etiopia, Libya, Lydia, Arabia, Kub, at ng aking bayan.” (Ezekiel 30: 5 MBB). Ang tinutukoy na digmaan dito ay ang digmaang sibil na nagaganap nga ngayon sa mga magugulong bansa gaya ng Libya, Yemen, Bahrain, at Tunisia.

Kung ating titingnan at lilimiin, may binigay na clue sa naturang talata kung s aanu-ano pang mga bansa magaganap ang kaguluhan. Nabanggit ang Arabia at Kub (o Cush a wikang Hebreo) na sakop ang bansang Sudan at Etiopia. Ngunit, sumasaklaw din ito sa mga bansang nasa Hilagang Aprika gaya ng Tunisia, Algeria at Somalia.
Nakasaad din ang Arabia na kung saan ay tumutukoy sa mga bansang nasa Middle East nga at Kanlurang Asya. Kung inyong titingnan ang mapa, ang mga bansang kabilang sa ito ay ang: Saudi Arabia, Yemen, Bahrain, Kuwait, Iraq, Iran, Jordan, Lebanon, at Oman.
Sa susunod, ating tatalakayin ang mga kapighatiang mararanasan ng mga bansang nasa ilalim ng “Paghuhukom ng mga Bansa”.


PAGHUHUKOM SA MGA BANSA Part 2


Ang mga pinunong sina Hosni Mubarak at Moammad Gadhafi ay halimbawa lamang ng mga pinunong pinarusahan ng Diyos gaya ng nakasaad sa Isaias 24:21. (image credit: Paul Grover).

Sa nakaraan nating tinalakay, ang mga nagaganp nga na kaguluhan, pag-aaklas ng mga mamamayan ng magugulong bansa sa ngayon upang mapatalsik ang kanilang pinuno ay maliwanag na isang yugto ng katuparan ng propesihiya ng propetang si Ezekiel.

Bukod pa sa naturang propeta, kapag nilimi pa natin ang mga kaganapan ngayon sa daigdig, nakasaad din iyon sa mga babala at paunang salita na ng Diyos sa papamagitan din ng propetang si Isaias.

Bakit nga ba nagngyayari ang mga kaguluhan ngayon sa ilang mga bansa? Ano-ano ang dahilan kung bakit nagaganap ang Paghuhukom sa mga Bansa (Ezekiel 30:1-3). May mga dahilan po kung bakit nangyayari ito at iyan ang ating aalamin.

Una- Dahil sa kasalanan at kasamaan ng tao. Kung kaya, parurusahan ng Diyos ang mga bansa na kung saan talamak na ang karahasan at kasamaan. (Isaias 24:6).

Ikalawa- Dahil sa katiwaliang nangayayari. May mga bansa na talamak ang korapsiyon na nagdudulot ng kahirapan at kaabahan ng mga mamamayan. May mga pinuno ng mga bansa na pinapayagang maghari ang katiwalian kung kaya nag-aaklas ang kanyang nasasakupan. (Isaias 59:3).

Ikatlo- Dahil sa masasama, sakim, at mga hambog na mga pinuno ng mga bansa. Na walang ginawa kundi magpakasasa sa yaman ng bayan. Na parang mga asong ulol na hayok sa laman na walang kabusugan. Salapi ang kanilang pinapanginoon. ( Isaias 56: 10-11/ 59:7-8).

Ikaapat- Ang mga bansang mapaghimagsik. (Isaias 65:2). Sila ang mga nasyon na nagmamatigas at nag-aakalang magaling. Sila ay banta sa kapayapaan. Ang mga bansang nag-iimbak ng armas nukleyar nagpapakita ng paghihimagsik. Na sa kabila ng babala at pagsuyo sa kanila na huwag gawin iyon ay patuloy pa rin silang nagmamatigas.

Kaakibat ng mga kaguluhan ng ilang bansa na nasasaksihan natin sa ngayon ay nariyan din ang kabi-kabilaang kalamidad na nagdudulot ng pagkasira ng lupa. Nagaganap ang paglindol o pagyanig ng lupa, pati na rin ng pagputok ng mga bulkan. (Isaias 24:19-20).

At ang nasasaksihan nating kilos protesta sa ilang bansa gaya ng Egypt, Libya, Yemen, Bahrain, Tunisia, upang patalsikin ang mga pinuno ay katuparan ng pahayag ng Diyos:

“Darating ang araw na parurusahan ni Yahweh ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid. Gayundin ang mga hari rito sa daigidg.” (Isaias 24:21 MBB).

Kung kaya, ang mga ilang pinuno ( o mga hari) ng mga bansa na isinusuka na ng kanilang mamamayan ang kanilang liderato’y tanda lamang na sila’y pinarurusahan na. At kung ang isang pinuno ay matuwid at mabuti sa harap ng kanyang mamamayan, sa tingin po ninyo, patatalsikin ba siya?

Marahil may nagtatanong? Bakit pati mabubuti at matutuwid na tao na walang malay ay nadadamay sa mga kaguluhan? Kasama rin ba sila sa pinarurusahan? Hindi po. Hindi pababayaan ng Diyos ang matuwid. Ililigtas niya sila, tayo, sa kapahamakan basta dumaing lang tayo at hanapin siya. (Isaias 59:1). Kaya, gagawa ng paraan ang Diyos upang alisin at ilayo sa kapahamakan ang isang tao na nadadamay sa kaguluhan.

Walang komento: